Dahil Natalo Ng Lady Tamaraws Ang Lady Spikers Nagpadala Ang Tigresses Ng Pansit Sa FEU!

Mainit ang labanan ng volleyball ngayon sa UAAP kung saan tinututukan ito ng mga tao. Maliban sa mga estudyante ng mga unibersidad na naglalaban sa UAAP Volleyball tournament, todo-suporta rin ang iba’t-ibang kabataan mula sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas. Kabilang na rin sa mga sumusuporta rito ay ang mga alumni ng mga unibersidad na kalahok.




Bagama’t mainit ang labanan, hindi pa rin mawawala ang “sportsmanship” ng bawat kalahok. Maging ang kanilang mga taga-suporta ng todo ang paghiyaw sa mga laro ay nagiging “sports” din sa mga resulta ng laban ng kanilang mga idolo. Pero paano mo nga ba tinatanggap ang iyong pagkatalo? O paano mo pinasasalamatan ang iyong katunggali?

Para sa UST Tigresses, pansit ang kanilang paraan para magbigay ng pasasalamat sa kanilang katunggali ng grupo na FEU Lady Tamaraws. Nitong Abril 28 ay sinorpresa ng UST Tigresses ang mga Lady Tamaraws ng isang pancit. Ito ay para pasalamatan ang Lady Tamaraws matapos nilang talunin ang DLSU Lady Spikers sa laro dahilan upang magkaroon ng twice-to-beat advantage ang Tigresses laban sa Lady Spikers ng La Salle.

Bagama’t ganito, kailangang maglaban muna ang UST at La Salle para makuha nila ang twice-to-beat advantage bago makapasok sa semi-finals. Maliban pa rito, nagpadala rin ang mga taga-suporta ng UST Tigresses ng pizza sa mga Lady Tamaraws bilang pasasalamat. Nagtweet naman ang FEU Athletics at nagpasalamat sa “merienda” na natanggap nila mula sa UST Tigresses. Ayon pa sa Assistant Coach ng UST na si Yani Fernandez, simbolo raw ito ng kanilang pasasalamat sa kanilang kapitbahay.

Marami na tayong mga nakitang kompetisyon kung saan ang mga mahigpit na magkatunggali ay nagkakaroon ng iringan sa mismong laro, lalo na sa basketball. Pero para sa mga babaeng manlalaro ng UST at FEU, hindi hadlang ang kompetisyon para magkaroon sila ng magandang pagsasamahan ng ibang unibersidad na siya rin namang adhikain ng tournament na ito.




Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *