Isa sa mga teen actors noong dekada 90 na hinahangaan dahil sa kanyang taglay na kagwapuhan at pagiging isang mahusay na batang aktor ay si Kristopher Peralta. Talaga namang binatilyo pa lamang siya ng una siyang pasukin ang mundo ng showbiz, kung saan siya ay 13-taong gulang lamang noon.
Ilan sa mga Kapamilya shows na kanyang kinabilangan ay ang Tabing Ilog at Gimik na pumatok naman sa maraming mga manonood lalo na nga sa mga teenager noong dekada 90. Naging parte din siya ng ilang malalaking pelikula kagaya na lamang ng Mysterio (Uno… Dos… tres pilyos!), Ang TV Movie, Asero, Nagbibinata at ng Now That I Found You.

Sa kabila naman ng namamayagpag niyang karera, ay nagdesisyon siyang iwan ang buhay sa showbiz noong taong 2007. Ito ay upang masigurado na magiging pribado ang kanyang buhay, lalo na nga’t bubuo na siya ng kanyang sariling pamilya kapiling ang napangasawa niyang si Carla Angkee.

Nagpasyang manirahan sa Davao si Kristopher kasama ang kanyang asawang si Carla, dahil sa naturang lugar umano sila nagkakilala at nagka-ibigan. “It was in November 2012 when we settle here in Davao. But as far as 2003 when I was still active in motorcross I kept coming back here”, ang naging pahayag ng dating aktor.

Ibinahagi din ni Kristopher na kung ang kanyang misis ang nasunod, ay mas nais nito na sa Maynila manirahan, ngunit iginiit niya dito na stressful masyado ang buhay sa lungsod, kung kaya napag-usapan nila na subukan muna ang manirahan sa Davao.

“Manila is very stressful, traffic, maraming problema. While Davao is very laidback, I really like it here”, pahayag pa ni Kristopher. Hindi naman sila nagkamali sa naging desisyon nila na sa Davao mag-settle, dahil makalipas ang ilang taon nilang paninirahan sa nasabing probinsya ay nakapagpundar sila ng negosyo, kung saan ito nga ay isang ready-to-wear business.

Sa ngayon nga ay nag-eexport ng mga over-runs sa isang sikat na shopping malls sa Manila ang mag-asawa. Hindi nga lamang ito ang negosyo nila, dahil bago pa man iniwan ni Kristopher ang karera niya bilang isang artista, ay nakapagpundar na ito ng negosyo.
Ang City Jam Bar na matatagpuan sa Katipunan, Quezon City ay isa sa mga negosyo ng dating aktor, maliban pa dito ay mayroon din siyang billiard hall at restaurant sa Cabanatuan. Mayroon din umanong negosyo na spare parts si Kristopher, kung saan ang mga itinitinda dito ay mga spare parts para sa 4X4 na sasakyan.
Samantala, nang tanungin naman si Kristopher kung may balak pa siyang balikan ang pag-aartista, ang tanging tugon niya ay depend pero may posibilidad, dahil hanggang ngayon ay may mga natatanggap pa rin naman siyang offer.