Imbis Na Ibili Ng Laruan Inipon Ng Batang Ito Ang Kanyang Pinamaskuhan At Ibinahagi Sa Mga Pulubi

Pasko ang isa sa mga pinakaaabangan na araw nating mga tao dahil ito ang araw kung saan nagkakasama-sama ang mga mag-anak. Ito rin ang panahon kung saan naglalabasan ang mga mamahaling regalo mula sa ating mga ninang at ninong. Nasisilaw na mga parol, at mga nakakatawang kanta ng mga bata ang sumalubong sa atin tuwing araw ng kapaskuhan. Pero higit sa lahat, ang pasko ay isang pagdiriwang ng kapanganakan ng ating Panginoong Hesus. Araw ito ng pagbibigayan at pagmamahalan.




Pero para sa mga bata, ito ang pinakamasayang araw para sa kanila dahil dito napupuno ang kanilang mga bulsa at makakatanggap sila ng napakaraming aguinaldo at regalo mula sa kanilang mga ninong, ninang at mga kamag-anak. Tuwing umaga ng Disyembre 25 ay masayang naglilibot ang mga bata suot ang kanilang mga bagong damit at mga sapatos para pumunta sa kani-kanilang mga ninong at ninang.

Matapos makalikom ng kanilang mga pamasko, may ibang mga batang binibigay ang kanilang pera sa kanilang mga magulang at may iba naman na bumibili ng kani-kanilang mga gustong laruan. Ngunit iba ang kaso ng batang ito. Sa kaniyang Facebook account, ibinahagi ni Jeraldine Ancheta Yamson ang kaaya-ayang ideyang ginawa ng kanyang anak sa mga natanggap nitong regalo.

Hindi katulad ng ibang bata na gagastusin ang kanilang pinaskuhan, mas pinili ng batang ito na ipunin ang kanyang mga napamaskuhan upang ipagluto ang mga taong nasa lansangan. Makikita sa litrato na nagluluto ang kanyang anak ng hotdog at itlog, matapos ay nilagay niya ito sa loob ng styrofoam na may kasamang kanin. Pagkatapos niya maluto ang mga ito, sa tulong ng kanyang mga magulang, tumungo siya sa mga lansangan ng Maynila at binigyan ang mga pulubi ng pagkain.




Marami ang natuwa sa ginawa ng batang ito. Pero wala nang papantay sa tuwang nararamdaman ng kanyang ama at ina. Isa lamang itong patunay na ang pasko ay hindi nasusukat sa presyo ng regalo ngunit nasusukat ito sa pamamagitan ng pagbibigayan sa isa’t-isa sa kabila ng estado natin sa buhay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *