Mga Batang Lansangan Nagbenta Ng Artworks Sa Lansangan

Hindi na bago sa atin sa Pilipinas ang makakita ng mga taong nasa lansangan at namamalimos. Dahil sa hirap ng buhay sa Pilipinas, napakarami pa rin natin mga kababayan ang dumaranas ng matinding kahirapan. Marami pa rin ang walang matirhan at marami pa rin ang walang sapat na kita sa pang araw-araw. Ito ang kanilang dahilan kung bakit napakaraming mga taong namamalimos sa lansangan at sa mga bangketa.




Mas mahirap rin ang sitwasyon ng mga batang lansangan dahil sa murang edad ay naranasan na nila ang pait ng buhay at karamihan sa kanila ay kinakailangang mangalakal, mamalimos at ang iba ay ginagamit ng mga sindikato. Ito ang realidad ng buhay ng mga batang lansangan sa Pilipinas. Sa murang edad, kailangan nilang suungin ang lansangan para manghingi ng kakarampot na barya para lamang mabuhay sa isang araw.

Ito ang karaniwang eksena sa kamaynilaan ngunit sa Calbayog City sa probinsya ng Samar, nakunan ng isang netizen na nagngangalang Adrian Moslares ang grupo ng mga batang imbis na namamalimos ay nagbebenta ng kanilang mga ginuhit na obra sa kalye. Gamit ang karton at kaunting krayola, gumuguhit ang mga bata at binibenta ito sa bangketa.

Sa post ni Adrian noong Pebrero 20, makikita dito ang mga katagang “Art for Sale” na nakasulat sa simpleng karton. Nakapwesto ang mga batang ito sa Gaisano Grand Mall. Pero saan nga ba nila nakuha ang ideya na ito? Ayon kay Adrian, isang Dennis Calag raw ang nagturo at nagengganyo sa mga bata na gumuhit at ibenta ang kanilang mga iginuhit sa lansangan upang imbis na mamalimos ay may mapagkakakitaan sila.

Ang itinuro ni Dennis sa mga bata ay isang bagay na hindi matutumbasan ng kahit anong halaga ng pera. Maliban pa rito, tinuruan niya rin ang mga bata na hindi lang pamamalimos ang tanging kaya nilang gawin upang makahanap ng pera. Marami na ring mga netizens ang nangakong bibili ng kanilang mga gawa na nagkakahalaga ng P5 hanggang P10. Bagama’t simple lamang ang kanilang iginuhit, hindi naman matutumbasan ang kuwento sa likod ng kanilang obra.




Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *