Napakagandang Gown Ng Isa Sa Mga Kalahok Sa Binibining Pilipinas 2019 Gawa Ng Mga Inmate

Marami sa ating mga Pilipino ang may tinatagong talento. Isa ang Pilipino sa mga pinaka talentadong mga tao sa buong mundo. Lingid sa ating mga kaalaman, ang ordinaryong Pilipino ay may tinatagong talento sa iba’t-ibang larangan. Ito ay maipapamalas nila hindi lamang sa Pilipinas, kung hindi pati na rin sa ibang bansa. Pero paano mo maipapamalas ang iyong talento kung nasa piitan ka? Paano mo masasabing talentado ang isang tao kung nakulong siya?

 




Hindi hadlang ang kulungan para makatulong sa bayan ang mga nakapiit sa Bureau of Jail Management and Penology sa Angeles District Jail. Sila lang naman ang gumawa at naghabi ng gown ng isa sa mga kandidata ng Bb. Pilipinas na si Emma Mary Tiglao na isang Kapampangan. Base ang gown sa disenyo ni Rich Sabinian na isa ring tubong Pampanga.

Nitong nakaraan lamang kasi ay napukaw ni Bb. Tiglao ang mga netizens dahil sa kaniyang kamangha-manghang gown. Sa mga litratong binahagi ng opisyal na Facebook ng Bb. Pilipinas, ibinalandra nito ang mga gowns ng mga kandidata ng maglalaban-laban ngayong taon. Kapansin-pansin ang hinabing gown ni Bb. Tiglao na kulay puti kasama ang mga gintong palamuti. Ang paraan ng paghahabi na ginawa ng mga inmates ay tinatawag na “solohiya” habang “pinukpok” naman ang tawag sa paraan ng pagguhit.

Ayon kay Sabinian, ang gown na ito ay nagsisimbolo ng “pananampalataya, pag-asa, at kawanggawa” kung kaya’t pinangalanan niya itong “Fe Esperanza Caridad.” Maaaring masilayan ang gown na susuotin ni Bb. Tiglao sa Gateway Mall, Cubao sa photo exhibit.
Isa lamang itong patunay na maaaring may magawa pa ang mga taong nagkasala kahit na nasa piitan pa sila.

Patunay rin ito na hindi lahat ng nasa kulungan ay masasamang tao, ay iba ay nagbago na at na mga bayaran na ang kanilang mga nagawang kasalanan sa ibang tao.
Ang galing ng Pinoy ay hindi mapipigilan ng kahit ano, kahit ito’y bakal pa na rehas.




Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *