Narito Ang Mga Kwalipikasyon Ng Mga Interesadong Aplikante Para Sa Scholarship Sa Japan

Naging usap-usapan ngayon sa social media ang paglipat ng mga Pilipino sa ibang bansa matapos malaman ang hindi pa opisyal na resulta ng halalan lalo na sa mga senador. Marami na rin ang nagtangkang umalis sa Pilipinas dahil sa kanilang pagkadismaya sa naturang eleksyon. Pero kung sakaling desidido ka na sa desisyon mo, maaari kang pumunta sa bansang Japan at mag-aral para naman matakasan mo ang mga nanalong mga kandidato na hindi mo naman gustong manilbihan sa Kongreso.




Nitong nakaraan lamang ay nagpalabas ng anunsyo ang Japan Information and Culture Center (JICC) na handa silang tumanggap ng mga gustong mag-aral sa kanilang bansa. Libre ang pag-aaral ng mga maswerteng matatanggap at hanggang sa katapusan na lamang ito ng Mayo. Ang mga estudyanteng katatapos lamang ng sekondarya ang karaniwang iniengganyo ng embahada ng Japan para mag-aral sa kanilang bansa. May tatlong programang pagpipilian ang mga matatanggap: Undergraduate, Specialized Training College at College of Technology.

Kung sakaling mapasa mo ang mga kinakailangan na dokumento at mag-aaral ka ng Social Sciences, Humanities, Technology at Engineering, bibigyan ka ng educational assistance ng embahada sa iyong pag-aaral. Iniimbitahan rin ang mga estudyanteng may kaalaman na sa wikang Nihongo lalo na at kung ikaw ay nasa edad 17 hanggang 24. Mataas rin ang tiyansang tanggap ka kung mataas ang iyong mga grado sa siyensya, matematika, at Ingles.

Pero kung ikaw ay 35 taong gulang pababa, huwag kang mag-alala dahil tumatanggap rin sila ng mga estudyanteng gustong magkaroon ng Master’s at Doctor’s degree. Katulad ng sa mga kabataan, kinakailangang maayos rin ang iyong mga grado at maganda ang iyong research proposal.

Marahil isa na ito sa mga signos na kailangan mo na ngang lumipat o mag-aral sa Japan nang sa gayo’y mai-apply mo dito sa Pilipinas ang iyong mga matututunan sa bansang iyon. Sa mga nagnanais na magpasa ng application, makipag-ugnayan lamang sa JICC sa pamamagitan ng kanyang website.




Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *